
Itinanggi ng ilang senador ang anumang pagkakasangkot sa katiwalian matapos sabihin ni dating Department of Public Works and Highways o DPWH Secretary Manuel Bonoan na may mga senador umanong nakatanggap ng P500 milyon hanggang P1 bilyon na “leadership funds.”
Sa pagdinig sa kasong malversation laban kay dating Senador Bong Revilla, sinabi ni Bonoan na kabilang sa nakakuha umano ng listahan ng mga proyekto sina Juan Miguel Zubiri, Bong Go, Robin Padilla at Jinggoy Estrada.
Ayon kay Zubiri, walang masama sa institutional amendments sa national budget basta’t walang korapsyon, transparent ang proseso at maayos na naipatutupad ang mga proyekto.
Itinanggi naman ni Go na kabilang siya sa anumang listahan at iginiit na maraming listahan ng proyekto ang kailangang aksyunan ng DPWH na hindi nangangahulugang may kaugnayan sa flood control o korapsyon.
Samantala, sinabi ni Padilla na dapat bigyan ng buong konteksto ang testimonya ni Bonoan, habang sinabi naman ni Sen. Imee Marcos na wala siyang alam sa sinasabing pasasalamat niya sa dating DPWH secretary.
Patuloy namang hinihintay ang pahayag ni Estrada, na kasalukuyang nakadetine.










