
Nagpahayag ang defense team ni Vice President Sara Duterte na hindi na nila ikinagulat ang naging desisyon ng House Committee on Justice na may probable cause sa impeachment complaint laban sa kanya.
Ayon sa defense team ni Vice President Sara Duterte, inaasahan na nila ang ganitong resulta base sa naging takbo ng mga nakaraang pagdinig. Giit nila, nananatili ang paniniwala nila na lumihis sa itinakdang proseso ng Konstitusyon ang ginawang pagtalakay ng komite.
Paliwanag pa ng kampo ni Vice President Sara Duterte, sa halip na tumuon lamang sa mga verified complaints at kalakip na dokumento, pinalawak umano ang usapin sa mga bagay na dapat ay sa mismong paglilitis na lang napag-uusapan.
Kanina, bumoto ang mga miyembro ng House Committee on Justice na may probable cause sa reklamo laban kay Vice President Sara Duterte.
Kabilang sa mga alegasyon laban kay Vice President Sara Duterte ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, at pagbabanta umano laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Sa mga naunang pagdinig, iniulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang umano’y P6.7 bilyong transaksiyon na hindi tumugma sa mga nakasaad sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng mag-asawa.
Dahil sa finding ng probable cause, aakyat ang impeachment complaint sa plenaryo ng Kamara. Kapag naaprubahan, ililipat ito sa Senado para sa impeachment trial.










