Isinusulong ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagtatatag ng mga marine protected area (MPA) sa mga mahalagang ekosistema sa Kalayaan Island Group sa West Philippine Sea upang mapangalagaan ang yamang-dagat at biodiversity ng bansa.

Ayon kay Juan Miguel Cuna, natukoy sa mga isinagawang marine research ang mahahalagang ekosistema sa West Philippine Sea na patuloy na nagbibigay ng kabuhayan at iba pang benepisyo sa mga Pilipino sa kabila ng mga banta ng climate change.

Inihayag din ng DENR na magtatayo ito ng siyam na Marine Scientific Research Stations, kabilang ang isa sa Pag-asa Island, upang palakasin ang marine research, biodiversity monitoring, at pangangalaga sa mga baybayin at yamang-dagat ng bansa.