
Tinatayang aabot sa ₱38 trilyon ang production value mula 2027 hanggang 2052 sa ilalim ng bagong polisiya ng Department of Environment and Natural Resources o DENR para sa sektor ng kagubatan.
Sa ilalim ng DENR Administrative Order No. 2026-34, bubuksan para sa climate-smart investments ang nasa 1.18 milyong ektarya ng forest lands, habang itinataguyod ang pangangalaga at sustainable management ng mga kagubatan.
Ayon kay DENR Secretary Juan Miguel Cuna, maaaring makalikha ang mga lugar ng humigit-kumulang ₱4 bilyong annual revenue mula sa tree plantations, agroforestry, grazing, ecotourism at renewable energy.
Pinakamalalaking potential investment areas ang nasa Eastern Visayas na may mahigit 196,000 ektarya, sinundan ng Caraga na may mahigit 177,000 ektarya at Davao Region na may mahigit 144,000 ektarya.
Itinatakda rin ng bagong polisiya na bawat investment site ay dapat may Forest Investment Portfolio Package na naglalaman ng impormasyon tungkol sa environmental conditions, climate risks, commercial viability, accessibility, land status at mga komunidad sa paligid.
Ipinagbabawal naman ang mga investment activity na hindi naaayon sa sustainable forest management, kabilang ang pagtatayo ng sanitary landfill at housing o subdivision developments sa loob ng forest lands.










