Pinaalalahanan ng Department of Education (DepEd) ang mga guro at iba pang personnel nito na panatilihin ang pagiging propesyonal at maingat sa paggamit ng social media.

Ayon sa DepEd, hindi nangangahulugang pribado ang social media account ay wala nang pananagutan ang mga guro sa kanilang online activities, lalo na kung may kinalaman ito sa kanilang trabaho, mga estudyante, school activities o school premises.

Hinimok din ang mga guro na iwasang mag-post ng mga pag-atake laban sa kapwa DepEd personnel, pagpapakalat ng maling impormasyon, at content na maaaring maglantad sa mga estudyante sa pangungutya, harassment o kontrobersiya.

Sinabi ng DepEd na nakatanggap ito ng mga ulat tungkol sa social media posts ng ilang guro at school personnel na hindi naaayon sa pamantayan ng propesyonalismo ng ahensya.