
Pinalawig ng Department of Education ang maximum na panahon ng pagbabayad ng salary loan ng mga guro at iba pang kawani mula limang taon hanggang pitong taon upang mabawasan ang kanilang buwanang hulog at madagdagan ang kanilang take-home pay.
Ayon sa Department of Education, nakapaloob ang bagong polisiya sa DepEd Order No. 020, Series of 2026, na umaayon sa BSP Circular No. 1239. Sinabi ni Department of Education Secretary Sonny Angara na bahagi ito ng mga hakbang ng pamahalaan upang mapagaan ang pinansyal na pasanin ng mga guro, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pangalagaan ang kapakanan ng mga educator.
Sa ilalim ng bagong patakaran, maaaring bayaran ng mga kwalipikadong mangungutang ang kanilang loan sa loob ng hanggang pitong taon, habang maaari ring ipaayos ang kasalukuyang mga loan upang makinabang sa mas mahabang repayment period, depende sa pag-apruba ng mga APDS-accredited na bangko at lending institutions. Inatasan din ng DepEd ang mga naturang institusyon na magsagawa ng financial literacy at loan education sessions bago aprubahan ang mga loan, kasabay ng panawagang umiwas ang mga guro sa mga hindi awtorisadong nagpapautang.










