Iginiit ng depensa ni Vice President Sara Duterte na hindi lamang siya ang naging bise presidente na nakatanggap ng confidential funds mula noong 2014.

Sa pagpapatuloy ng impeachment trial nitong Martes, ipinakita ni defense lawyer Michael Poa ang isang Special Allotment Release Order o SARO mula sa Department of Budget and Management na nagpapakita ng paglalaan ng confidential funds para sa Office of the Vice President noong Disyembre 2014.

Noong panahong iyon, si dating Vice President Jejomar Binay ang nakaupo sa posisyon.

Ayon kay Poa, inihayag niya ito upang linawin ang mga kumakalat na impormasyon na si Vice President Sara Duterte lamang ang naging bise presidente na nakatanggap ng confidential funds.

Nauna rito, sinabi ni Commission on Audit o COA-Intelligence and Confidential Funds Audit Office auditor Roderick Wamil na si Duterte lamang ang nasuri niyang bise presidente at Education secretary na may confidential fund appropriations sa nakalipas na tatlong administrasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Ipinaliwanag naman ni Poa na inilabas nila ang impormasyon upang maprotektahan ang karapatan ng kanilang kliyente at hindi upang madamay ang pangalan ni dating Vice President Binay.