
Nakatakdang isumite ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Department of Justice (DOJ) sa susunod na Martes ang kumpletong ulat ng imbestigasyon sa pagkamatay ng mga manlalaro ng Ateneo de Manila University na sina Rene Baterbonia at Divine Adili.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, hinihintay na lamang ng mga imbestigador ng Philippine National Police (PNP) ang mga salaysay ng isa pang manlalaro at ilang miyembro ng coaching staff, kabilang ang dating head coach na si Tab Baldwin, bago tapusin ang ulat.
Sinabi ni Remulla na nagpapatuloy pa ang pagtukoy sa posibleng pananagutan ng mga sangkot sa insidente.
Aniya, sa tuwing may namamatay sa isang pangyayari, may posibilidad na may managot, ngunit masyado pang maaga upang tukuyin kung sinu-sino ang maaaring masampahan ng kaso.
Nasawi sina Baterbonia at Adili matapos tangayin ng malakas na agos habang nagsasagawa ng training activity sa baybayin ng Dipaculao, Aurora noong unang bahagi ng buwan.
Patuloy namang iniimbestigahan ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang insidente, kabilang ang posibilidad ng paglabag sa Anti-Hazing Act.
Nang tanungin kung nananatiling bahagi ng imbestigasyon ang anggulong hazing, sinabi ni Remulla na lahat ng posibleng dahilan ay patuloy na sinusuri ng mga awtoridad.
Ayon kay CIDG Director Maj. Gen. Robert Morico II, nasa 48 katao na ang pinadalhan ng subpoena kaugnay ng kaso.
Kabilang sa mga sumailalim na sa imbestigasyon ang mga opisyal ng Ateneo at ilang manlalaro ng koponan.
Sinabi ni Remulla na nakabuo na ang mga imbestigador ng detalyadong timeline ng mga pangyayari, kabilang ang pagdedesisyon sa team-building activity, kakayahan ng mga manlalaro sa paglangoy, komunikasyon sa mga coach, at mga pangyayari bago at habang naganap ang trahedya.
Tiniyak din niya na naging maayos at patas ang pagkuha ng mga pahayag mula sa mga testigo.
Aniya, walang reklamo mula sa mga manlalaro, magulang at abogado hinggil sa naging proseso ng imbestigasyon.









