Nanawagan si Interior Secretary Jonvic Remulla sa Kongreso na patitikin at palakasin ang mga umiiral na batas sa baril sa bansa kasunod ng malagim na pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University na ikinasawi ng dalawang estudyante.

Iminungkahi ni Remulla na patawan ng criminal liability o direktang pananagutang pangkriminal ang mga gun owner na hindi maayos na nag-iingat ng kanilang armas, lalo na kung magamit ito sa paggawa ng krimen.

Binigyang-diin ng kalihim na hindi na sapat na ituring lamang na reckless imprudence ang pananagutan ng may-ari kapag ang kanyang baril ay nagamit sa pagpatay o sa iba pang violent crimes.

Ayon sa datos na nakalap ng DILG, parehong service firearms ang ginamit sa mga insidente ng school shooting sa Zamboanga City at sa Tacloban City nitong mga nakaraang buwan — kung saan tatlong estudyante ang nasawi at 20 ang sugatan sa huli.

Iginiit din ng kalihim na matinding pangangailangan na repasuhin ang Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya, kulang at hindi malinaw ang kasalukuyang batas pagdating sa parusa sa mga may-ari ng baril na nagpabaya at nagpahintulot na magamit ng ibang tao ang kanilang armas sa krimen.

Bukod dito, nanawagan din si Remulla na gawing non-bailable offense o walang pyansa ang possession ng loose o ilegal na baril, na siyang pangunahing ginagamit sa malaking porsyento ng mga krimen sa bansa.