
Ipinahayag ng Department of Energy (DOE) na hindi kayang mag-imbak ng malaking suplay ng langis ang Pilipinas dahil sa kakulangan ng storage capacity sa bansa.
Ayon sa DOE, nananatiling hindi tiyak kung bababa ang presyo ng langis sa lokal na merkado sa kabila ng pagbaba ng global crude oil prices na dulot ng pansamantalang tigil-putukan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.
Ipinaliwanag ni Energy Secretary Sharon Garin na mahirap matiyak ang galaw ng presyo dahil sa patuloy na tensyon sa Middle East at pinsala sa ilang oil production facilities, na maaaring makaapekto sa suplay.
Tinatayang nasa 50 araw lamang ang kasalukuyang suplay ng langis sa bansa, na madadagdagan ng inaasahang pagdating ng isang milyong bariles ng diesel ngayong Abril. Gayunman, limitado ang kakayahan ng bansa na magdagdag ng reserba dahil sa kakulangan ng imbakan.
Dagdag pa ng DOE, umaasa ang Pilipinas sa pribadong sektor para sa suplay at storage ng langis mula nang ipatupad ang Oil Deregulation Law noong 1998.
Dahil dito, nakikitang mahalaga ang muling pagrepaso sa nasabing batas upang mapalakas ang kakayahan ng pamahalaan na tumugon sa krisis, lalo na sa panahon ng digmaan at biglaang pagtaas ng presyo ng langis.








