
Iniutos ng Department of Justice o DOJ sa National Bureau of Investigation o NBI ang pagsasagawa ng masusing imbestigasyon sa pagkamatay ng Ateneo de Manila University basketball players na sina Rene Baterbonia at Divine Adili sa bayan ng Dipaculao, Aurora.
Ayon sa DOJ, bubuo ang NBI ng isang task force upang magsagawa ng komprehensibo at walang kinikilingang imbestigasyon upang matukoy kung may sapat na batayan para magsampa ng kaukulang kaso kaugnay ng insidente.
Batay sa pahayag ng Ateneo, nalunod ang dalawang manlalaro habang nasa isang team-building activity sa Aurora. Ayon naman sa Police Regional Office 3, unang lumabas sa imbestigasyon na tinangay umano ng malakas na agos ang mga biktima patungo sa mas malalim na bahagi ng dagat habang lumalangoy.
Samantala, nananawagan ng hustisya si Rovelyn Baterbonia, ina ni Rene Baterbonia, matapos niyang igiit na pinapalangoy umano ang kanyang anak habang may mabigat na kargang nakalagay sa katawan nito.
Gayunman, sinabi ng Philippine National Police sa Dipaculao na wala silang natagpuang anumang pabigat sa katawan ng dalawang atleta. Nauna na ring inihayag ng Aurora Provincial Police Office na walang nakitang ebidensya ng foul play at itinuturing na aksidente ang insidente.
Si Baterbonia ay nakatakdang maglaro para sa Ateneo Blue Eagles sa UAAP Season 89, habang si Adili ay nagsilbing foreign student-athlete ng koponan noong Season 88.










