
Sinisiyasat ng Department of Justice (DOJ) ang posibilidad na may kinalaman ang violent extremism sa naganap na pamamaril sa Tacloban City noong Hunyo 22 na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng 20 iba pa.
Sa panayam, sinabi ni Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez na hindi lamang bullying ang tinitingnang motibo ng kagawaran sa insidente.
Aniya, sinusuri rin nila ang iba pang posibleng dahilan kabilang ang tinatawag na violent extremism at iba pang ideolohiyang maaaring nakaimpluwensya sa mga suspek.
Ayon kay Martinez, mahalagang masusing imbestigahan ang lahat ng anggulo upang matukoy kung may mas malalim na ugat ang pangyayari at kung may umiiral na pattern na maaaring maiugnay sa mga kaso ng karahasang kinasasangkutan ng mga kabataan.
Binanggit din ng DOJ na posibleng nakaapekto sa insidente ang mga nilalamang napapanood ng mga kabataan sa internet at social media, kaya kabilang ito sa mga aspektong sinusuri ng mga imbestigador.
Giit ng kagawaran, hindi dapat agad ikahon ang insidente bilang simpleng kaso lamang ng bullying hangga’t hindi natatapos ang mas malawak na imbestigasyon.
Samantala, bagama’t menor de edad ang mga suspek, binigyang-diin ng DOJ na hindi sila awtomatikong ligtas sa pananagutan sa ilalim ng batas at sasailalim pa rin sa kaukulang proseso alinsunod sa umiiral na mga batas para sa mga kabataang nagkasala.










