
Kinumpirma ng Department of Justice o DOJ ang pagtanggap nito ng dalawang criminal complaint mula sa National Bureau of Investigation o NBI Cebu District Office kaugnay ng dalawang flood control projects sa Balamban, Cebu.
Ayon kay DOJ spokesperson Atty. Polo Martinez, ang mga proyekto ay nasa ilalim ng DPWH Cebu 3rd District Engineering Office at matatagpuan sa Barangay Singsing.
Dalawampung indibidwal, kabilang ang mga opisyal, empleyado ng DPWH, at ilang pribadong indibidwal, ang kasama sa reklamo dahil sa umano’y pagkakasangkot sa bidding at pagpapatupad ng dalawang proyekto.
Sinabi ni Martinez na parehong isinailalim sa preliminary investigation ang mga reklamo at wala pang pinal na desisyon ang kagawaran.
Dagdag pa ng opisyal, bahagi ang mga ito ng mas malawak na imbestigasyon ng pamahalaan kaugnay ng mga umano’y iregularidad sa mga flood control projects sa bansa.










