
Itinutulak ng Department of Science and Technology (DOST) ang pagtatatag ng National Measurement Institute upang masiguro ang kalidad ng mga produktong Pilipino para sa pandaigdigang pamilihan.
Ayon kay Secretary Renato Solidum ng DOST, sa paglulunsad ng Propel Business Hub and Exhibit Center sa Taguig City, dapat matugunan ng mga produktong iniluluwas ang pamantayan ng bansang tatanggap.
Binanggit niya na mahalaga ang pagkakaroon ng testing at calibration facility habang dine-develop ang produkto upang maging kompetitibo ito sa loob at labas ng bansa.
Ang National Measurement Institute ay magiging ahensya ng gobyerno na responsable sa metrology infrastructure ng bansa, na magtitiyak sa kalidad at global competitiveness ng mga produkto at serbisyo.
Ayon sa website ng DOST, pitong panukala ang naisumite sa House of Representatives para sa pagtatatag ng ahensya, na kasalukuyang nasa pagsusuri ng House Committee on Science and Technology. Wala pang panukala na naisumite sa Senado hinggil dito.
Kasabay nito, inilunsad ng DOST ang PROPEL Business Hub and Exhibit Center, isang plataporma para sa mga startup, innovator, researcher, at industry partner upang ipakita ang kanilang inobasyon, matuto, at magpaabot ng kaalaman sa publiko. Layunin ng PROPEL program na magbigay ng interactive training, mentorship, at resources upang tulungan ang mga kalahok na mapaunlad ang kanilang negosyo at mailunsad ang mga produkto sa merkado.










