Nasawi ang isang 56-anyos na lalaki matapos mahulog ang minamanehong pickup truck mula sa isang makitid na tulay sa bayan ng Mangaldan, Pangasinan.

Batay sa ulat, ginamitan pa ng crane upang maiangat mula sa ilog ang sasakyang nahulog at lumubog sa tubig noong Martes.

Nagtulungan ang mga rescuer at mga residente upang mailigtas ang biktima, ngunit wala na itong buhay nang siya ay maiahon mula sa loob ng sasakyan.

Ayon sa imbestigasyon, bago ang insidente ay nakita sa CCTV na in-overtake ng pickup ang isang pedicab sa makitid na bahagi ng tulay.

Dahil dito, sumampa ang pickup sa gilid ng tulay at tuluyang nahulog at tumaob sa ilog sa ibaba.

-- ADVERTISEMENT --

Lumabas sa ulat ng pulisya na may lapad lamang na limang metro ang nasabing tulay.

Pinaniniwalaang maaaring tumama ang ulo ng biktima sa pagbagsak ng sasakyan, kaya nawalan ito ng malay at hindi na gumalaw matapos ang aksidente.

Sa kasalukuyan, nasa burol na ang labi ng biktima sa kanilang tahanan.