
Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 na puspusan na ang kanilang paghahanda para sa posibleng pananalasa ng Super Typhoon Francisco.
Ayon kay DSWD Regional Director Lucy Alan, umaabot na sa 210,685 family food packs ang nakahanda para sa mga maaaring maapektuhang residente.
Sa bilang na ito, 114,254 ang naka-preposition na sa ibat-ibang bodega ng local government units (LGUs) at provincial governments.
Samantala, may 96,431 family food packs naman ang naka-standby sa mga warehouse ng DSWD sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon kabilang ang mga nasa Abulug, Camalaniugan, at Tuguegarao sa Cagayan; Ilagan at Santiago City sa Isabela; Bayombong sa Nueva Vizcaya; Batanes at Quirino.
Nakahanda rin ang P3M standby fund sa augmentation sakaling magkulang ang suplay ng tulong.
Sa mga evacuation centers, tiniyak ni Alan na may nakahandang kitchen kits, hygiene kits, sleeping kits, modular tents, family kits, at iba pa.
Mayroon ding mga trak para sa paghahatid ng relief goods, mobile kitchen para sa agarang pagluluto, at telecommunication facilities na magagamit sa operasyon.
Sa ngayon, wala pang LGU na humihingi ng karagdagang tulong mula sa DSWD ngunit maaari nang gamitin ng mga lokal na pamahalaan ang mga naka-preposition na family food packs.










