Nagpaabot ng agarang tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamilya ni Fabio Norberte Jr., ang motorcycle taxi rider na nasawi matapos umanong saksakin ng kaniyang pasahero gamit ang ice pick sa Caloocan City.

Ayon sa DSWD, nakatanggap na ng ₱10,000 na paunang tulong pinansyal ang pamilya ng biktima, bukod pa sa tulong sa pagpapalibing sa pamamagitan ng guarantee letter.

Sinabi ni DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao na agad silang umaksyon matapos malaman na solo parent ang biktima at may anak na may autism spectrum disorder.

Binigyan din ng ahensya ang pamilya ng listahan ng mga kinakailangang dokumento upang makakuha ng karagdagang tulong medikal at pinansyal sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS.

Kasunod ng insidente, nagpahayag ng pangamba ang ilang motorcycle taxi riders sa lumalalang banta sa kanilang kaligtasan.

-- ADVERTISEMENT --

Kabilang sa kanilang mga mungkahi ang mas mahigpit na pagberipika sa pagkakakilanlan ng mga pasahero at paglalagay ng SOS button sa ride-hailing app upang mapalakas ang kanilang seguridad.

Nanawagan naman ang Motorcycle Taxi Community Alliance sa publiko na igalang at tumulong sa pagtiyak ng kaligtasan ng mga motorcycle taxi rider habang ginagampanan nila ang kanilang hanapbuhay.