
Asahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may kasamang paminsan-minsang pag-ulan o pagkulog at pagkidlat sa buong kapuluan dahil sa patuloy na epekto ng easterlies sa Pilipinas, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sinabi ng PAGASA na ang Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa ay maaaring makaranas ng panandaliang pag-ulan o pagkulog at pagkidlat sa buong araw.
Ang mga baybayin ay mananatiling bahagya hanggang katamtaman ang alon, na may taas na mula 0.6 hanggang 2.5 metro.
Samantala, naitala sa Metro Manila ang pinakamataas na temperatura na 31.8°C noong Sabado ng hapon at bumaba naman sa 20.9°C kaninang madaling araw.
Para sa kondisyon sa baybayin, inaasahang aabot sa 0.93 metro ang taas ng tubig sa Manila Bay bago magtanghali at bababa naman sa -0.1 metro sa gabi.
Ang pagsikat ng araw ay naganap alas-5:59 ng umaga, habang ang paglubog ng araw ay inaasahan sa ganap na alas-6:07 ng gabi.










