Isinusulong ng Second Congressional Commission on Education o EDCOM 2 ang localized o granular class suspension sa halip na sabay-sabay na pagsususpinde ng klase sa buong lugar, lalo na kapag may bagyo, pagbaha o matinding init.

Ayon kay EDCOM 2 Executive Director Dr. Karol Mark Yee, umaabot sa 40 hanggang 50 araw ang karaniwang nawawalang instructional days dahil sa class suspensions at iba pang kalamidad.

Aniya, mahalagang mapanatili ang kaligtasan ng mga estudyante at guro habang napoprotektahan din ang oras para sa pagkatuto.

Iminumungkahi ng EDCOM 2 na amyendahan ang Executive Order No. 66 para maging mas malinaw kung sino ang may awtoridad na magsuspinde ng klase at mas maging batay sa aktuwal na kondisyon ng bawat paaralan ang mga desisyon.

Halimbawa, maaaring magpatuloy ang klase sa mga paaralang ligtas at may kakayahang magturo, habang suspendido naman sa mga paaralang direktang apektado ng baha o iba pang panganib.

-- ADVERTISEMENT --

Kasabay nito, binigyang-diin ng grupo na hindi dapat awtomatikong nangangahulugan ng paghinto ng pagkatuto ang suspension.

Maaari umanong gamitin ang iba’t ibang learning modalities at, kung kinakailangan, magsagawa ng make-up classes batay sa aktuwal na learning gaps ng mga estudyante.