Kinuwestiyon ni Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña si Senate President Francis Escudero kung natatakot ba ito kay Vice President Sara Duterte kaya patuloy na inaantala ang pag-convene ng Senado bilang impeachment court.
Sinabi ni Cendaña na ang kawalan ng aksiyon ng Senado sa iba’t ibang rason ni Escudero sa pag-antala sa impeachment ay isang kataksilan sa mandato sa Saligang Batas at isang pagtatangka na sanggahan si VP Duterte sa pananagutan nito sa bayan.
Si Cendaña ang kauna-unahang nag-indorso ng unang impeachment complaint na inihain laban kay VP Sara sa Kamara kung saan dahilan umano sa pagtrato ni Escudero sa proseso ng impeachment ay tila itinuturing lamang niya itong “fashion trend”.
Binigyang-diin ni Cendaña na ang pag-convene sa Senado bilang isang impeachment court ay isang solemn constitutional duty at hindi season accessory.
Ipinunto ni Cendaña na base sa katatapos na Social Weather Stations (SWS) survey, 9 sa bawat 10 Pilipino ay nais na isalang sa impeachment si VP Sara para mabigyan ito ng pagkakataon na linisin ang kaniyang pangalan sa alegasyon ng korapsyon.