Muling nagpakitang-gilas ang mga estudyanteng Pilipino matapos makamit ang ikatlong puwesto sa isang international space robotics competition na isinagawa sa ilalim ng Japan Aerospace Exploration Agency (JAXA) at NASA.

Kinilala ang Team Inflection Point mula Batangas State University (BatStateU) ng Philippine Space Agency (PhilSA) matapos makapasok sa podium ng 6th Kibo Robot Programming Challenge (Kibo-RPC), isang patimpalak na nagpapakita ng husay sa pagprograma ng robot na ginagamit sa International Space Station (ISS).

Ayon sa PhilSA, muling pinatunayan ng grupo ang kanilang galing matapos makapuwesto sa third place ngayong taon, kasunod ng kanilang second place finish noong 2024 kung saan sila rin ang unang Pilipinong koponan na nagtagumpay sa kompetisyon.

Binubuo ang Team Inflection Point ng mga aerospace engineering students na sina Howell Dela Cruz, John Royeth Samson, Ahron Martinez, Benedict Lontok, Andrew Cabile, at Amer Panganiban.

Sila ang nanguna sa lokal na seleksyon ng Pilipinas bago makapasok sa international finals.

-- ADVERTISEMENT --

Sa aktuwal na kompetisyon, pinatakbo nila ang NASA Astrobee robot sa loob ng ISS Japanese “Kibo” module upang magsagawa ng mga mission tasks tulad ng image recognition at navigation challenges.

Umabot sa 738 teams mula 37 bansa at rehiyon ang lumahok sa kompetisyon.

Nakakuha ang koponang Pilipino ng 216.8 puntos, bahagyang lamang sa Malaysia na pumangalawa, habang nanguna ang Taiwan.

Ayon sa PhilSA, layunin ng Kibo-RPC na hubugin ang kakayahan ng mga kabataang inhinyero at programmer sa larangan ng space robotics at paghahanda sa hinaharap na space missions.

Muling nakitaan ang Pilipinas ng lumalawak na presensya sa larangan ng space technology, kasabay ng patuloy na pag-angat ng mga estudyanteng Pilipino sa pandaigdigang kompetisyon.