Nanatiling walang bahid ang Gilas Youth matapos isama ang Singapore sa mga nabiktima nito sa pamamagitan ng 101-37 demolisyon sa FIBA U16 Asia Cup SEABA Qualifiers na ginaganap sa BZG Convention Center sa Pampanga.

Malagkit na depensa ang muling naging sandalan ng Gilas Youth upang pigilang makaratsada ang Singaporeans.

Sa katunayan, single digit lamang ang nagawa ng Singapore sa tatlo sa apat na quarters upang mabilis na makuha ang panalo.

Nanatili sa tuktok ng standings ang Gilas Youth tangan ang malinis na 3-0 rekord.

Nanguna si Gab Delos Reyes na nagsumite ng pitong puntos, 13 rebounds, anim na assists, isang steal at pitong blocks para pamunuan ang tropa.

-- ADVERTISEMENT --

Anim pang Gilas Youth players ang nagtala ng double digits sa pangu­nguna ni Everaigne Cruz na may 14 puntos.

Nagtala ang Gilas ng 47 porsiyentong shooting habang may 36 fastbreak points din ito.