Handang magpaabot ang Government Service Insurance System o GSIS ng emergency loan sa mga miyembro at pensiyonado na nakatira o nagtatrabaho sa mga lugar na idineklarang state of calamity dahil sa Habagat at mga bagyo.

Ayon sa GSIS, maaaring umutang ng hanggang P40,000 ang mga kwalipikadong miyembro at pensiyonado na may kasalukuyang emergency loan, kung saan ibabawas dito ang kanilang natitirang balanse at ang sobra ay mapupunta sa borrower. Hanggang P20,000 naman ang maaaring ma-avail ng mga walang kasalukuyang emergency loan.

Kabilang sa kwalipikado ang mga aktibong miyembro na may regular na hulog, walang nakabinbing kasong administratibo o kriminal, at may hindi bababa sa P5,000 na net take-home pay matapos ang mga kaltas sa loan. Maaari rin itong i-avail ng mga old-age at disability pensioner na nakatira sa calamity areas.

May interest rate na anim na porsyento kada taon ang emergency loan at maaaring bayaran sa loob ng tatlong taon. Maaaring mag-apply sa pamamagitan ng GSIS Touch mobile application o sa mga opisyal na communication channels ng GSIS.

-- ADVERTISEMENT --