
Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na nagsagawa ito ng drilling sa pintuang nag-uugnay sa gusali ng Government Service Insurance System (GSIS) at Senado bago ang naganap na insidente ng putukan sa Mataas na Kapulungan nitong Miyerkules ng gabi.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, ginawa ang hakbang para isara at i-secure ang access sa pagitan ng GSIS at Senado matapos umanong mawalan ng kontrol sa pagpasok at paglabas ng mga tao sa lugar.
Dagdag niya, tinanggal ang lock ng pintuan at hinarangan ng metal cabinet upang hindi na ito madaanan, dahil ang susi ay nasa Senado.
Nilinaw rin ng NBI na bahagi ito ng security measure at kasalukuyan pa ring iniimbestigahan ang buong insidente kasama ang Philippine National Police (PNP), gamit ang CCTV at forensic review upang matukoy ang tunay na pangyayari.









