
Naglunsad ang Government Service Insurance System ng bagong loan program para sa mga miyembro nito na nagnanais bumili ng e-bike at e-scooter.
Sa ilalim ng Ginhawa Bike and E-Mobility Loan (GBEL), maaaring umutang ang miyembro ng GSIS hanggang 100% ng halaga ng e-bike, na may maximum na ₱300,000.
Ayon sa GSIS, may 36 na buwang hulugan ang loan at may 5% na interes kada taon. Maaari rin itong gamitin sa pagbili ng e-scooter, e-moped, cargo e-bike, at folding e-bike.
Maaaring mag-apply ang mga miyembro sa pamamagitan ng GSIS Touch mobile app.
Ayon kay GSIS President and General Manager Wick Veloso, layunin ng programa na makatulong sa pagbawas ng gastos sa araw-araw na transportasyon ng mga miyembro.
Nauna nang nag-alok ang GSIS ng hiwalay na loan program para sa pagbili ng solar power packages.










