TUGUEGARAO CITY-Sumuko na sa pulisya ang gunman na bumaril-patay sa isang lalaki sa Barangay Bagay kamakalawa.
Sinabi ni PLT Rosemarie Taguiam, tagapagsalita ng PNP Tuguegarao, ang suspek ay si Rodel Noble na residente ng Brgy. Ugac Sur.
Nabatid na si Noble ay private security ng bise alkalde ng bayan ng Camalaniugan at dito siya nagpatulong upang sumuko sa mga otoridad kung saan itinawag ng bise alkalde ang impormasyon sa himpilan ng PNP Camalaniugan at sila na ang naghatid sa kanya sa tanggapan ng PNP Tuguegarao.
Una rito ay inihayag ni PLTCOL Richard Gatan, hepe ng PNP Tuguegarao na bago ang insidente galing si Noble at kanyang kasama na si Rongie Del Rosario, isang Coast Guard sa nasabing barangay at pauwi na sila mula sa pista sakay ng kani-kanilang motorsiklo nang sitahin sila ng isang residente na si Francisco Mallillin sa kanilang pagpapatakbo dahil sa may mga bata na naglalaro sa daan.
Hindi umano nagustuhan ni Noble ang paninita sa kanila kaya inilabas nito ang kanyang baril ngunit inagaw naman ito ng Coast Guard kaya’t nagkaroon sila ng pagtatalo hanggang sa ibinalik din ang baril sa gunman.
Matapos nito ay dali-dali naman umanong hinila ng kanyang tiyahin si Mallillin para pumasok na sa kanilang bahay ngunit lumabas naman ang biktima na si Gilbert Alvarez kaya siya ang nabaril ng gunman gamit ang 9mm pistol.
Sinabi ni Gatan na agad silang nagsagawa ng hot pursuit operation matapos na makita sa CCTV footages ang pinuntahang direksion ng mga suspect at maging ang plaka ng kanilang motorsiklo at nahuli si Del Rosario, ang coast guard, sa kanilang bahay sa Ugac Sur.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng pulisya ang dalawa habang inihahanda na rin ang isasampang kasong murder laban sa kanila.