
Inihayag ng World Health Organization (WHO) na inaasahang pormal nang matatapos sa Hulyo 2 ang hantavirus outbreak na kumalat sa isang cruise ship at nagdulot ng pandaigdigang alarma.
Ayon kay WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus, ang natitirang mga close contact ay inaasahang makukumpleto na ang quarantine sa nasabing petsa, at kung walang panibagong kaso, ituturing nang tapos ang outbreak.
Naitala sa insidente ang 12 kumpirmadong kaso at isang probable case, kabilang ang tatlong nasawi, na naugnay sa barkong MV Hondius na bumiyahe mula South America patungong Europe.
Mahigit 650 katao mula sa 33 bansa at teritoryo ang na-trace at sinailalim sa monitoring ng mga awtoridad sa kalusugan, ayon sa WHO.
Bagama’t malapit nang ideklarang tapos ang outbreak, sinabi ng ahensya na nagpapatuloy ang pag-aaral sa virus upang mas maunawaan ang pagkalat nito at makabuo ng posibleng diagnostic tools, gamot, at bakuna sa hinaharap.
Ang hantavirus ay isang bihirang sakit na karaniwang nakukuha mula sa mga daga, at walang partikular na gamot o bakuna sa kasalukuyan.
Ayon sa WHO, ang strain na sangkot sa insidente ay ang tanging uri ng hantavirus na maaaring maipasa mula tao sa tao, dahilan ng masusing international monitoring sa kaso.










