
Iginiit ng House prosecutor na si Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na hindi maaaring ipasa ni Vice President Sara Duterte sa mga tauhan niya ang pananagutan sa umano’y maling paggamit ng confidential funds.
Ayon kay Ridon, hindi maaaring sisihin lamang ang mga Special Disbursing Officer (SDO) o accountant dahil kailangan ang pirma ng hepe ng ahensya bago mailabas ang pera o ma-issue ang tseke.
Sinabi rin ni Ridon na may testimonya umanong ang huling pag-apruba sa pagpapalabas ng confidential funds ay mula mismo sa bise presidente.
Umaabot sa P612.5 milyon ang confidential funds na sinisiyasat—P500 milyon para sa Office of the Vice President at P112.5 milyon para sa Department of Education noong panahon ni Duterte bilang education secretary.
Ayon sa prosecution, kulang ang mga dokumentong magpapaliwanag kung bakit inilabas ang malaking halaga.
Iginiit ni Ridon na dapat matukoy kung sino ang tunay na may pananagutan sa paggamit ng pondo at hindi lamang ang mga ordinaryong kawani ang managot.










