Kinuwestyon ng Office of the Ombudsman ang umano’y hindi pakikipagtulungan ng House appropriations panel sa imbestigasyon kaugnay ng alegasyong fund scam na may kinalaman kay dating House Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez.

Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, nahihirapan ang kanilang mga imbestigador na makakuha ng mga dokumento mula sa House small committee proceedings na may kaugnayan sa 2024 at 2025 national budget.

Giit ng Ombudsman, mahalaga ang mga rekord na ito upang matukoy ang umano’y iregularidad sa budget insertions noong panahon ng panunungkulan ni Romualdez bilang Speaker.

Sinabi ni Remulla na paulit-ulit nang humihiling ang kanilang tanggapan ng mga dokumento ngunit hindi pa rin ito naibibigay ng House Committee on Appropriations Secretariat.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng Ombudsman sa naturang usapin.

-- ADVERTISEMENT --