
Inaprubahan ng House Committee on Appropriations ang substitute bill na naglalayong palakasin ang proteksiyon sa mga bata laban sa mga panganib sa internet at social media.
Batay sa paunang kopya ng panukala, hindi papayagang gumamit ng mga platapormang panlipunan ang mga batang wala pang 13 taong gulang.
Para naman sa mga edad 13 hanggang wala pang 18, lilimitahan ang paggamit sa ilang tampok gaya ng livestreaming, tuloy-tuloy na pag-scroll, maiikling bidyo, hindi kinakailangang pangongolekta o pagbabahagi ng personal na impormasyon, pagbili online at mga mekanismong kahalintulad ng pagsusugal.
Maaari ring ipasara ang account ng mga menor de edad kung bawiin ng kanilang mga magulang ang pahintulot sa paggamit nito.
Kapag naging batas, itatatag ang Office for Children’s Social Media and Digital Safety na tututok sa kaligtasan ng mga bata sa paggamit ng internet at social media.
Inaatasan din ang mga digital platform na magkaroon ng lokal na presensya sa Pilipinas, kabilang ang pagtatatag ng lokal na korporasyon o pagpaparehistro bilang dayuhang korporasyon na may awtorisadong kinatawan sa bansa.
Nakatakda namang pagmultahin ng dalawa hanggang 20 milyong piso ang bawat paglabag sa mga itinakdang obligasyon para sa kaligtasan ng mga bata online.










