
Nagulat ang House Prosecution Panel na hirap magsalita sa Filipino at English si Office of the Vice President (OVP) Special Disbursing Officer (SDO) Gina Acosta.
Ito ang dahilan kaya sa pagharap ni Acosta sa impeachment trial bilang hostile witness ng prosecution ay may mga pagkakataong kailangan pang i-translate o isalin sa Bisaya ang mga tanong sa kanya at ang kanyang mga sagot.
Aminado si House Prosecutor at San Juan Rep. Ysabel Zamora na ang nabanggit na aksyon ni Acosta ay kanilang ipinagtaka at ikinagulat dahil marunong naman itong magsalita sa Filipino at English nang humarap noon sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability.
Sa tingin naman ni House Prosecutors Adviser and Spokesperson Robert Ace Barbers, maaaring kinakabahan lang si Acosta sa kanyang pagharap sa impeachment trial.
Sa direct examination ni private prosecutor Atty. Amando Virgil Ligutan, idinetalye ni Acosta ang pag-withdraw ng ₱125 milyon na confidential funds na ibinigay niya nang buo kay Col. Raymund Dante Lachica alinsunod sa utos mismo ni VP Duterte.










