Tiniyak ng House Prosecution Panel na handa na sila para sa pagsisimula ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Hulyo 6.

Ayon kay Iloilo Representative at House Prosecutor Lorenz Defensor, mahalagang maunawaan at masubaybayan ng bawat Pilipino ang buong proseso ng paglilitis dahil bahagi rin sila sa paghusga sa kaso.

Aniya, dapat ding igalang ng lahat ang impeachment court.

Samantala, sinabi ni House Prosecutor at Bicol Saro Representative Terry Ridon na pinal na lamang ang paghahanda ng prosecution panel, kabilang ang presentasyon ng mga testigo at ebidensya.

Nakapaloob sa inilabas na pre-trial order ng Senado ang iskedyul ng paglilitis, listahan ng mga testigo at ebidensya, at iba pang gabay sa pagdaraos ng impeachment trial.

-- ADVERTISEMENT --

Magsisimula ang presentasyon ng ebidensya sa Article 4, na may kaugnayan sa umano’y pagbabanta ni Vice President Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.