Nanawagan si House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na itigil ang pagpapakalat ng fake news, na aniya ay hindi nakatutulong sa pagresolba ng mga suliranin ng bansa.

Iginiit niya na ang pangunahing layunin ng mga mambabatas ay makapaglingkod at gampanan ang kanilang tungkulin sa Kamara.

Samantala, nagpahayag ng suporta si Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon at nanawagan ng masusing imbestigasyon sa umano’y disinformation operations ng isang media network.

Ayon kay Ridon, bagama’t totoong isyu ang tumataas na singil sa kuryente, hindi ito dapat samantalahin sa pamamagitan ng maling impormasyon.

Binigyang-diin din niya ang pangangailangang linawin ang isang viral na video na nagpapakita ng mga bill ng kuryente na may magkakaibang Customer Account Numbers, at kung ito ba ay mula sa iisang sambahayan.

-- ADVERTISEMENT --

Hinimok din ni Ridon ang National Bureau of Investigation na magsagawa ng imbestigasyon, at ang Bureau of Internal Revenue na suriin ang pagsunod ng naturang grupo sa mga batas sa buwis.