
Nagdaos ng magkakahiwalay na kilos-protesta ang ilang grupo sa harap ng Senado sa Pasay City nitong Lunes upang igiit ang impeachment ni Vice President Sara Duterte at pag-aresto kay Senador Ronald dela Rosa.
Nagtipon ang Power for People Coalition upang kalampagin ang Senado kaugnay sa isyu ng kapangyarihan at krisis sa kuryente. Ayon kay labor leader Leody de Guzman, dapat umanong unahin ng Senado ang pagseserbisyo sa mamamayan.
Samantala, nagpahayag naman ng suporta kay Duterte ang ilan niyang tagasuporta sa gitna ng impeachment proceedings.
Nagmartsa rin patungo sa Senado ang grupong “Alab ng Bayan” at iba pang progresibong organisasyon upang suportahan ang pagko-convene ng impeachment court.
Nanawagan din ang grupong BAYAN ng pag-aresto kay Dela Rosa at pananagutin umano ang Senado sa pagpapalusot dito. Ayon kay BAYAN secretary general Mong Palatino, mas inuuna umano ng ilang opisyal ang pulitika kaysa interes ng publiko.










