
Itinurn-over ng International Criminal Court (ICC) prosecutors ang karagdagang 6,909 piraso ng ebidensiya sa defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bago ang nakatakdang paglilitis sa Nobyembre 30.
Batay sa disclosure of evidence mula Enero 7 hanggang Hulyo 31, kabilang dito ang 4,573 tangible evidence na maaaring inspeksiyunin ng depensa at 2,279 incriminating evidence kaugnay ng mga alegasyon ng pagpatay sa kampanya kontra iligal na droga.
Kasama sa mga materyales ang mga dokumento hinggil sa operasyon ng barangay, high-value targets at Davao Death Squad o DDS.
Samantala, 57 ebidensiya naman ang inuri bilang potentially exonerating evidence o mga impormasyong maaaring pabor sa depensa, kabilang ang maaaring magpahina sa kredibilidad ng ilang saksi.
Nasa Trial Chamber III na ng ICC ang mga dokumento at iba pang materyales para sa paghahanda sa paglilitis, na nananatiling confidential sa pagitan ng prosekusyon at depensa.










