Tinanggihan ng Trial Chamber III ng International Criminal Court o ICC ang hirit ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na obligahin ang expert verification sa open-source at user-generated evidence na isinumite sa kaso.

Ayon sa Chamber, maaari itong magdulot ng hindi kailangang pagkaantala sa pagsisimula ng paglilitis dahil sa dami ng ebidensyang isinumite ng prosekusyon.

Iginiit naman ng depensa na mahalaga ang expert verification dahil may mga duplicate at mababang kalidad na dokumento sa malaking volume ng ebidensya, na anila’y maaaring makapagpahirap sa pagsusuri ng kaso.

Sinabi ng Chamber na mayroon nang ibang hakbang para tugunan ang mga isyu sa dami ng ebidensya.

Samantala, inaprubahan ng ICC ang hiling ng prosekusyon na magdagdag ng URL metadata field sa E-Court Protocol para mas madaling matukoy ang source ng open-source evidence.

-- ADVERTISEMENT --

Inatasan ang Registry na isumite ang amended E-Court Protocol hanggang Oktubre 2, 2026.