
Patok ngayon sa Japan ang kakaibang soft-serve ice cream na hinaluan ng sariwang talaba at toyo na inihahain ng roadside diner na Michino-eki Yamada sa Iwate Prefecture.
Ang dessert ay may base na milky soft-serve ice cream na pinatungan ng sariwang oyster o talaba mula sa Yamada Bay at espesyal na soy sauce, na nagbibigay ng kakaibang kombinasyon ng tamis, alat, at lasa ng seafood.
Bagama’t marami ang nagduda sa unang tingin at may ilan pang nag-akalang AI-generated lamang ang mga larawan nito, mabilis itong naging viral sa social media at dinagsa ng mga customer na nais matikman ang kakaibang dessert.
Ayon sa mga nakasubok, nakakagulat ngunit masarap ang kakaibang timpla ng ice cream at talaba.
Dahil sa lumalaking interes ng publiko, inaasahang patuloy itong ihahain ng Michino-eki Yamada sa buong summer season.










