Ipinasa ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Office of the Ombudsman noong Martes ang mga mamahaling sasakyang isinuko ni dating Department of Public Works and Highways engineer Brice Hernandez.

Kabilang sa mga isinuko na sasakyan ang isang itim na GMC Yukon Denali XL at isang navy blue Lamborghini Urus Performante, ayon sa ICI.

Ayon sa ahensya, isinuko ni Hernandez ang mga sasakyan sa ICI noong Setyembre 2025. Layunin ng turnover na makatulong sa patuloy na imbestigasyon ng Ombudsman at sa pagbawi ng mga ari-arian para sa kapakinabangan ng publiko.

Noong Marso, nauna nang ibinigay ng ICI sa Ombudsman ang mga dokumento at ebidensya kaugnay ng imbestigasyon sa mga umano’y anomalous flood control projects.

Ang mga kasong kinakaharap ay kaugnay ng umano’y ghost flood control project na nagkakahalaga ng ₱92.8 milyon sa Pandi, Bulacan, kung saan kinasuhan ng Office of the Ombudsman si Hernandez, dating senador Ramon Bong Revilla Jr., at lima pang indibidwal ng kasong graft at malversation.

-- ADVERTISEMENT --

Si Hernandez ay kasalukuyang nakadetine sa New Quezon City Jail.