TUGUEGARAO CITY- Kasalukuyan na ang clearing operation sa dalawang kalsada sa bayan ng Pasil, Kalinga na nagkaroon ng landslide at rockslide at erosion kahapon bunsod ng mga afteshocks ng magnitude 7 na lindol sa lalawigan ng Abra.

Sinabi ni Mayor Afredo Malannag Jr., na sarado ngayon ang national road sa Barangay Dangtalan dahil sa landslide at rockslide habang bumagsak naman ang kalahati ng provincial road sa nasabing lugar.

Ayon kay Malannag, maaari pa namang daanan ng light vehicles ang provincial road subalit pinapayuhan nila ang mga motorista na maging maingat dahil sa bumabagsak ang natitirang bahagi ng kalsada.

Dahil dito, sinabi ni Malannag na dalawang barangay ngayon ang isolated sa kanilang bayan.

Ang national road ay nagdudugtong sa Barangay Uma sa Lubuagan na hanggang ngayon ay isolated din dahil sa mga pagguho ng lupa sa mga kalsada.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi ng alkalde na hinihintay pa nila ang gagawing inspeksion ng Mines and Geosciences Bureau sa isang lumang gusali na nagkaroon ng mga bitak pagkatapos ng lindol para sa kanilang opinyon kung kailangan na itong tuluyang gibain.

Idinagdag pa ni Malannag na apat ang tottaly damaged na bahay at 123 naman ang partially damaged bunsod ng pagyanig.