Iginiit ng House prosecution team na hindi makaaapekto sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte ang kasalukuyang tensyon sa liderato ng Senado.

Ayon kay Bicol Saro Rep. Terry Ridon, miyembro ng 11-man House prosecution panel, itinuturing nilang “extraneous matter” ang sigalot sa pagitan ng mga paksyon sa Senado at hindi ito kaugnay sa kanilang paghahanda ng ebidensya.

Sinabi ni Ridon na magpapatuloy ang prosecution batay sa mga ebidensya at hindi mahalaga kung sino ang uupo bilang presiding officer sa paglilitis, basta’t mapaniwala ang bawat senador-judges sa kaso.

Binigyang-diin din niya na kakailanganin pa rin ng impeachment team ang hindi bababa sa 16 boto mula sa 24 senador upang makamit ang conviction.