
Magpapatuloy ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado sa kabila ng nakabinbing petisyon sa Korte Suprema na humihiling na ipahinto muna ang paglilitis.
Ayon kay impeachment trial spokesperson Atty. Reginald Tongol, wala pang inilalabas na temporary restraining order (TRO) o status quo ante order ang Supreme Court kaya tuloy ang pagdinig.
Ipinaliwanag din ni Tongol na kung sakaling magpalabas ng TRO ang Korte Suprema, ang impeachment court bilang isang collegial body ang magpapasya sa pamamagitan ng botohan kung paano ito tutugunan.
Matatandaang naghain ng petisyon ang grupo ng mga abogado na pinamumunuan ni Israelito Torreon upang kuwestiyunin ang awtoridad ni Senator Francis “Chiz” Escudero bilang presiding officer ng impeachment trial.
Samantala, sinabi ni Tongol na igagalang ng impeachment court ang sub judice rule at iiwas muna itong magbigay ng karagdagang komento habang nakabinbin ang usapin sa Korte Suprema.









