
Muling pinatunayan ng Philippine National Police na walang kinikilingan at walang pinapaboran sa pagpapatupad ng batas matapos maaresto ang isang incumbent vice mayor na wanted sa kasong murder at frustrated murder.
Arestado si Vice Mayor Ali Eskandar Unte Alonto III ng Marantao, Lanao del Sur, sa isang operasyon sa Barangay San Miguel, Iligan City, dakong alas-8:45 ng gabi kagabi, August 21, 2026.
Nakumpirma muna ng police intelligence units at tracker teams ang presensya ni Alonto sa lugar bago isinagawa ang operasyon.
Walang inirekomendang piyansa sa kinakaharap nitong kasong murder, habang 200,000 naman ang inirekomendang piyansa sa kasong frustrated murder.
Inilabas ang mga warrant of arrest noong July 15, 2026, ng Regional Trial Court Branch 44 sa Initao, Misamis Oriental.
Bago ang pagkakaaresto, kabilang si Alonto sa number one wanted person sa Marantao Municipal Level, Top 3 sa Lanao del Sur Provincial Level at Top 4 sa Regional Level ng Police Regional Office 10.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., walang holiday break ang PNP at bawat segundo ay mahalaga sa pagpapatupad ng hustisya, kapayapaan at kaayusan at rule of law.
Pinuri rin ni Nartatez ang mga tauhang nagsagawa ng operasyon at sinabing patunay ito ng patuloy na pagtugis ng PNP sa mga wanted person at pagsisikap na palakasin ang tiwala ng publiko sa kapulisan.










