Mag-aalok ang isang barangay sa Mandaluyong City ng isang piso na pabuya sa bawat lamok o kiti-kiti na mahuhuli o mapapatay bilang tugon sa tumataas na kaso ng dengue sa nasabing lugar.
Naghanda ang lokal na pamahalaan ng Barangay Addition Hills ng aquarium para doon ilalagay ang mga lamok o kiti-kiti at papatayin.
Ayon sa kapitan sa nasabing barangay, ang pabuya sa kanilang mga residente ay sa gitna na rin ng pagtaas ng kaso ng dengue sa kanilang lugar buhat nang pagsisimula ng 2025.
Magsisimula ang pagbibigay nila ng pabuya sa February 21.
Patuloy din ang paalala ng Department of Health sa publiko na regular na isagawa ang 4S strategy laban sa dengue: Search and destroy breeding places; Secure self-protection; Seek early contribution; at Support fogging or spraying in hotspot areas, lalo na sa panahon ng tag-ulan.
Kaugnay nito, nagpayo si infectious disease expert Dr. Rontgene Solante sa publiko na huwag mag-atubiling pumunta sa mga pagamutan kung may nararanasan na sintomas ng dengue tulad ng mataas na lagnat, pamamantal, pagsusuka, pananakit ng tiyan, at iba pa.
Samantala, bukod sa Quezon City, walo pang lugar sa bansa ang posibleng magdeklara ng dengue outbreak dahil pa rin sa patuloy na pagtaas ng kaso ng dengue.
Tumanggi muna si DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo na ilahad ang mga nasabing lugar, subalit ang mga ito ay matatagpuan sa Metro Manila, Central Luzon, at Calabarzon.