Isang Filipino ang kasama sa mga namatay sa banggaan ng eroplano at helicopter sa Washington, ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla.

Sinabi ni Remulla na ang nasabing Pinoy ay miyembro ng Philippine National Police (PNP), at may ranggo na colonel.

Sa pulong balitaan, kinilala ni PNP Spokesperson Lt. Col. Randulf Tuano ang biktima na si PNP Chief of Supply Management Division PCol. Pergentinoi Malabed, Jr. na nasa opisyal na biyahe para sa pre-delivery inspection ng 2,675 units ng all-purpose vests.

Samantala, sinabi ng mga awtoridad ng US na hindi pa malinaw kung bakit nagbanggaan ang isang regional jet at US Army helicopter sa Washington airport na ikinasawi ng 67 katao sa itinuturing na pinakamatinding air disaster sa US sa loob ng 20 taon.

Na-recover na rin ng mga imbestigador ang tinatawag na black boxes mula sa eroplano, ang American Airlines Bombardier jet na sakay ang 60 pasahero at apat na crew members, na bumangga sa Army Black Hawk helicopter at bumagsak sa Potomac River habang naghahanda na lumapag sa Ronald Reagan Washington National Airport noong gabi ng Miyerkules.

-- ADVERTISEMENT --

Walang nakaligas sa nasabing insidente, at hindi pa inilalabas ang pangalan ng mga biktima, subalit kabilang dito ang ilang magagaling na skaters at ilang residente ng Kansas, kung saan galing ang eroplano.