Umapela si Mary Jane Veloso sa mga awtoridad na palayain na siya para maalagaan niya ang kanyang mga magulang na matatanda na at kanyang mga anak na 16 taon na silang nawalay sa isa’t isa.

Si Veloso ang nahatulan sa Indonesia dahil sa drug trafficking.

Ginawa ni Veloso ang apela sa pamamagitan ng sulat na inilabas ng Migrante International kahapon.

Kamakailan ay ipinagdiwang ni Veloso ang kanyang ika-41 kaarawan sa kulungan sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City nitong January 10 – ang kanyang pangalawang kaarawan sa bansa buhat nang bumalik siya sa bansa noong December 2024.

Ito ay matapos na sumang-ayon ang Indonesia na ilipat si Veloso sa bansa.

-- ADVERTISEMENT --

Matatandaan na hinatulan ng kamatayan si Veloso sa Indonesia, subalit binawi ito matapos ang apela mula sa mga opisyal ng Pilipinas na pinangunahan ng pumanaw at noo’y Pangulong Benigno Aquino III.

Sa kanyang sulat, sinabi ni Veloso ang hirap at sakripisyo ng kanyang mga magulang, sa tuwing bibiyahe sila mula Nueva Ecija sa Mandaluyong City para bisitahin siya.