Apektado ang kabuhayan ng mga mangingisda sa paligid ng Taal Lake matapos kumalat ang balita na umano’y itinapon sa lawa ang mga katawan ng nawawalang sabungero, ayon kay Laurel, Batangas Mayor Lyndon Bruce.
Sa isang panayam, sinabi ng alkalde na bumagal ang bentahan ng isda sa mga pamilihan mula nang lumabas ang ulat ng isang testigo na nagsabing sa Taal Lake raw itinapon ang mga bangkay ng mga nawawalang sabungero.
Dahil dito, hindi lamang ang mga mangingisda ng Laurel ang nakararanas ng epekto kundi pati na rin ang mga taga-karatig bayan na umaasa sa lawa bilang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan.
Gayunman, nilinaw ni Bruce na kung may katotohanan man ang alegasyon, ito ay mga insidenteng matagal nang nangyari noong taong 2020 o 2021.
Dagdag pa niya, ligtas kainin ang mga isda mula sa Taal Lake at walang dapat ipangamba ang publiko pagdating sa kaligtasan ng produkto mula rito.
Taal Lake ay isa sa mga pangunahing pinagkukunan ng tilapia at bangus sa bansa, na nagsusuplay ng isda sa Metro Manila at CALABARZON.
Sa kabila ng kontrobersya, nagpahayag si Mayor Bruce ng suporta sa planong diving operations ng pambansang pamahalaan para hanapin ang mga bangkay na sinasabing itinapon sa lawa.
Ang Taal Lake, na may lalim na 172 metro, ay ang ikatlong pinakamalaking lawa sa Pilipinas at napaliligiran ng mga bayan ng Agoncillo, San Nicolas, Balete, Alitagtag, Cuenca, Mataasnakahoy, Lipa City, Tanauan City, Santa Teresita, Talisay, at Laurel.