
Itinapon sa kalsada ang ilang ani ng kamatis ng mga magsasaka sa Nueva Vizcaya matapos bumagsak ang demand sa merkado kasabay ng sabayang anihan sa iba’t ibang rehiyon.
Namataan ang ilang kilo ng hinog at maayos pang kamatis na nakatambak sa gilid ng by-pass road sa Bonfal East, Bayombong.
Ayon sa mga residente sa lugar, may ilan pang nagpulot at nag-uwi ng mga itinapong ani upang hindi tuluyang masayang.
Batay sa pahayag ng Nueva Vizcaya Agricultural Terminal, hindi kakulangan sa produksyon ang sanhi ng sitwasyon kundi ang paghina ng demand mula sa ibang probinsya.
Kasabay umano ng anihan sa Ilocos, Pangasinan, Nueva Ecija at iba pang bahagi ng Central Luzon ang pagdami ng suplay ng kamatis, dahilan upang bumaba ang pangangailangan sa produkto mula sa lalawigan.
Dagdag pa rito, mas pinipili ng mga trader ang mas malalaki at bahagyang hilaw na kamatis, habang mas maliliit na variety naman ang kasalukuyang ani ng mga lokal na magsasaka, na lalo pang nagpababa sa presyo sa wholesale market.
Inaasahang magpapatuloy ang anihan hanggang Abril, kaya umaasa ang mga magsasaka na mapalalakas ang direktang pagbebenta sa pamamagitan ng KADIWA stores upang maiwasan ang pag-aaksaya ng ani at mapataas ang kanilang kita.










