Nagbabala ang Department of Science and Technology (DOST) na maaaring makasama sa kalusugan ang labis na pagkain ng mga itinuturing na “healthy” foods.

Ayon kay Shannen Faye Arevalo ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI), hindi ibig sabihin na ligtas kainin nang walang limitasyon ang mga produktong may label na “healthy” o “low-fat.”

Binigyang-diin niya ang prinsipyong “mo-va-ba” o moderation, variety, at balance, kasama ang tamang portion control.

Dagdag pa niya, ang mga pagkaing may “good fats” ay mataas pa rin sa calories.

Kapag nasobrahan, maaari itong magdulot ng pagdagdag ng timbang na pangunahing risk factor sa sakit sa puso at stroke.

-- ADVERTISEMENT --

Batay sa datos ng World Health Organization (WHO), ang mataas na intake ng asin, asukal, at hindi tamang uri ng taba ay pangunahing risk factor ng ischemic heart disease.

Tinatayang 19.8 milyong katao ang namatay sa cardiovascular diseases noong 2022—32% ng lahat ng pagkamatay sa mundo, kung saan 85% ay dahil sa atake sa puso at stroke.

Sa Pilipinas, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), nanguna ang ischemic heart diseases bilang sanhi ng pagkamatay mula Enero hanggang Oktubre 2024, na may 85,868 kaso o 19.4% ng kabuuang deaths.

Payo ni Arevalo, basahin ang nutrition facts label upang masiguro na hindi napalitan ng sobrang asukal o starch ang taba at sapat ang bitamina at mineral.

Mas mahalaga ang pagpili ng tamang uri ng taba kaysa tuluyang alisin ito sa diyeta.