
Iginiit ni Senate President Pro Tempore Sen. Panfilo “Ping” Lacson na ebidensya lamang ang magiging basehan ng kanyang desisyon kung sakaling matuloy ang impeachment trial laban kay Vice President VP Sara Duterte sa Senado.
Ayon kay Lacson, susunod lang siya sa rules ng impeachment at sa mga ebidensyang ihaharap. Wala raw siyang ibang pagbabatayan sa kanyang boto. Dagdag pa niya, sinisikap niyang maging patas kaya patuloy niyang pinag-aaralan ang proseso ng paglilitis.
Nagpaalala rin si Lacson sa kanyang mga kapwa senador na dapat panatilihin ang tamang asal kung sila ay kikilos bilang Senator-Judges. Aniya, mahalagang manatiling walang kinikilingan at iwasan ang anumang kilos o pahayag na magmumukhang may pinapanigan na.
Hindi rin aniya maganda kung magmumukhang bahagi sila ng prosecution o defense panel.
Nagpahayag din si Lacson ng simpatiya kay Senate President Sen. Vicente “Tito” Sotto III, na posibleng magsilbing presiding officer sa trial. Ayon sa kanya, mabigat ang responsibilidad na haharapin ni Sotto, lalo na sa pamamahala ng mga argumento ng magkabilang panig.
Nauna nang sinabi ni Sotto na naghahanda na rin siya para sa posibilidad ng impeachment trial, kabilang ang pag-aaral ng impeachment rules, court rules, at senate rules.
Samantala, inaasahang tatalakayin na ng mga senador ang mga susunod na hakbang, gaya ng iskedyul at iba pang paghahanda, upang maayos na mapagsabay ang kanilang trabaho sa Senado at ang posibleng paglilitis.










