Nilinaw ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na hindi siya ang vice chairperson ng Senate Blue Ribbon Committee at wala pang pinal na reorganisasyon at halalan para sa mga miyembro ng komite.

Ayon kay Lacson, bukas siyang maging miyembro ng Blue Ribbon Committee ngunit hindi niya tatanggapin ang posisyon bilang vice chairperson kung ito man ay ialok sa kanya.

Sinabi rin ng senador na mahirap aniyang maging chair o vice chair ng Blue Ribbon Committee dahil kaakibat nito ang posibilidad na magkaroon ng mga bagong kaaway sa pulitika.

Pinabulaanan din ni Lacson ang mga alegasyong pinoprotektahan umano niya si dating House Speaker Martin Romualdez kaugnay ng isyu sa umano’y flood control scam at iginiit na wala siyang personal na koneksyon dito.

Sa kasalukuyan, si Pia Cayetano ang itinalagang bagong chairperson ng Senate Blue Ribbon Committee, bagama’t wala pa itong opisyal na pahayag hinggil sa mga susunod na hakbang sa imbestigasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Nagpahayag din si Lacson ng pagkadismaya sa mga kontrobersiyang kinahaharap ng Senado habang naghahanda ito bilang impeachment court para kay Sara Duterte, at iginiit na kailangang maibalik ang kredibilidad ng institusyon sa publiko.